Connect with us

Inspiring

Valerie Concepcion, Kinukulong sa bahay ng kanyang mga Magulang noon, Dahil sa Takot na Makipagtanan ito

Isa si Valerie Concepcion sa mga magagaling na aktres ng kaniyang henerasyon. Bukod sa kaniyang kinikilalang talento sa kaniyang mga nagawang pelikula, maituturing din na isang mabuting ina si Valerie sa kaniyang anak na si Heather Fiona.

Bagamat maganda ang relasyon ng mag-ina, hindi naging madali ang pinagdaanan ng aktres upang mapalaki nang maayos si Heather.

Kwento ni Valerie, 16 taong gulang lamang siya noon nang magbuntis siya kay Heather.

“Tinago ko [sa parents ko] na may boyfriend ako, tapos biglang buntis na nga. Habang buntis pa ako, kinukulong ako sa bahay kasi natatakot sila na baka makipagtanan ako. Kasi na-in love talaga ako nung time na yun sa tatay ng anak ko,”

Inalok din umano siya ng kasal ng tatay ni Heather ngunit hindi pumayag ang kaniyang mga magulang dahil wala pa sa tamang edad noon si Valerie.

“Sabi nila, ‘Pag 18 na siya at nasa legal age na siya puwede siyang magpakasal, kung gusto niya pang magpakasal, bumalik ka na lang,”

Hindi nagtagal, napagtanto ni Valerie na posibleng hindi na siya balikan ng kaniyang nobyo.

“Una iyak-iyak lang ako. Hindi ba dadating yung guy? Hindi ba kami ise-save? Hindi ba kami kukunin?”

Dahil dito, nagpasya siyang magtrabaho at maging responsable para sa kaniyang anak.

“Sabi ko [sa sarili ko] ‘Kung wala akong aasahan, kailangan sa sarili ko, magtrabaho na ako, kasi may buhay na akong susuportahan e. So, automatic, yung mother’s instinct ko lumabas,”

Malaking tulong din daw ang naging suporta at gabay na ibinigay ng kaniyang mga magulang noon.

Higit pa sa pinansyal na suportang ibinigay ni Valerie sa anak, ginawa rin niya ang kaniyang makakaya upang palakihin ito nang maayos. Habang lumalaki si Heather, sinubukan niyang maging bukas at matapat dito.

Sinubukan din niyang ipaliwanag nang mabuti ang kanilang sitwasyon. At dahil hindi pa nakikilala ni Heather ang kaniyang tatay, ipinakita rin ni Valerie ang ilang larawan nito.

Ngayon na isa na ring teenager ang kaniyang anak, nagpapasalamat si Valerie na mayroong magandang naidulot ang kaniyang pagiging matapat sa anak. Ayon sa kaniya, bukas rin umano si Heather sa mga pangyayari sa kaniyang buhay kaya naman nagkakaroon din siya ng oportunidad na magabayan ito. Dagdag pa niya,

“Mas malaki yung tsansa na hindi niya maulit yung mga pagkakamali ko sa buhay.”

Talagang importante ang bagay na ito kay Valerie dahil isa sa kaniyang mga kinatatakutan ay matulad ito sa kaniya na naging isang teen mom.

Ayaw rin ng aktres na tulad niya, baka hindi maranasan ni Heather ang saya ng pagiging isang teenager dahil napilitan siya noon na maging mature at responsable. Ang nais lamang niya para sa kaniyang anak ay magkaroon ito ng normal na buhay.

Salamat nga sa magandang pagpapalaki ni Valerie kay Heather at hanggang ngayon ay maayos pa rin ang kanilang relasyon. Sa katunayan, nagkaroon pa ng bagong adisyon sa kanilang pamilya nang magpakasal si Valerie sa kaniyang non-showbiz boyfriend na si Francis Sunga.

Nakapagtapos na rin si Valerie sa kaniyang kursong Psychology.

error: Content is protected !!