Si José Marie Borja-Viceral o mas kilala natin bilang si Vice Ganda ay isang sikat na Komedyante sa telebisyon, over all performer at mahusay na host sa kanyang mga programa. Lumaki si Vice sa kalye ng José Abád Santos sa Manuguit, Tondo, Maynila, kung saan ang kanyang ama ay isang kagawad ng kanilang barangay.
Ngunit sa kasamaang palad, maagang naulila si Vice sa ama sa dahil isang malagim na insidente, at ito din ang nag-udyok sa kanyang ina na maghanap ng trabaho sa ibang bansa bilang isang caregiver para matustusan ang kanilang mga pangangailangan. Si Vice o kilala din sa kanyang bansag na “Tutoy” noong siya’y bata pa lamang, ay ang pinakabata sa limang magkakapatid.
Siya ay nagtapos sa kursong Political Science sa Far Eastern University. Sa kasalukuyan, marami ng pelikula si Vice Ganda na tumabo sa takilya at ang walo pa nga sa mga ito ay itinuring na highest-grossing films sa buong bansa. Bukod dito, kilala rin ang 43 taong gulang na komedyante bilang isang magaling at nakakaaliw na host sa ilang mga programa ng Kapamilya network, isa na rito ang variety noontime show na “It’s Showtime,” kung saan isa siya sa mga resident hosts.
Marami sa mga tagahanga ni Vice ang naniniwala na nararapat lamang sa kanya ang lahat ng mga tagumpay at pagpapala sa mga bagay na kanyang tinatamasa at nararanasan ngayon pagkatapos ng lahat ng pagsubok at paghihirap na dinanas nya sa buhay.
Hindi rin lingid sa kaalaman ng nakararami na isa din ang Unkabogable “It’s Showtime host” sa mga sikat na personalidad na may malaking puso sa kanyang kapwa, lalo na sa kanyang mga kaibigan, palagi siyang handang tumulong at magsilbing tulay upang maging matagumpay din sila sa kani-kanilang mga propesyon at career. Nitong nakaraan lamang ay ipinagdiwang ni Vice kasama ang iba pang regular hosts ng sikat na programang ‘’It’s Showtime’’ ang kanilang ika-10 anibersaryo, dito ay ibinahagi niya ang ilan sa mga pagsubok na kaniyang hinarap nung nagsisimula pa lamang ang nasabing programa.
Ayon kay Vice, minsan ng sumagi sa kanyang isipan na iwanan na lang ang Kapamilya noontime show sa kadahilanang labis siyang napagod ng mga panahong iyon at nabigla siya sa mabilisang pagbabago ng kaniyang buhay. Dagdag pa niya, dumating din siya sa punto na nawalan siya ng tiwala sa kaniyang sarili na makapagpasaya ng mga manonood. Ibinahagi din niya sa nasabing panayam ang eksaktong halaga ng kinikita niya kada araw, PHP 5,000, na ayon pa sa kaniya ay naisip niyang parang hindi sapat sa lahat ng ginawa niya sa show.
Pagpapatuloy pa ni Vice, noong mga panahon ding yon, wala pa siyang personal assistant, make-up artist at hairstylist kaya siya lahat ang nag-aasikaso mula sa damit at stylist na lubos na nagpahirap pa sa sitwasyon nya noon dahil hindi rin niya alam kung saan niya kukunin ang pang gastos mula lang sa kaniyang araw-araw na sweldo.
Sandali siyang umalis sa naturang programa, ngunit dahil sa nabuong magandang relasyon sa kaniyang mga kasamahan sa Kapamilya noontime show, nagdesisyon si Vice na bumalik sa programa. Sa ngayon, alam na niya ang halaga ng ‘Showtime’ sa kanyang buhay, at di na rin nya na nanaisin pa na o umalis sa “It’s Showtime Family.”