Connect with us

Entertainment

Tikbalang Inspired National Costume sa Binibining Pilipinas 2022, Disenyo ng Eat Bulaga Host na si Paolo Ballesteros

Hindi maipagkakaila ang talento at pagkamalikhain ng Eat Bulaga host na si Paolo Ballesteros. Kilala siya dahil sa kaniyang nakakamanghang mga make-up looks. Bukod dito, unti-unti na rin siyang nakikilala dahil sa kaniyang mga kahanga-hangang disenyo ng mga kasuotan.

Unang nakita ng publiko ang kaniyang suman at Higantes-inspired na costume na umani rin ng paghanga mula sa mga netizens. Ngayon naman, ipinamalas muli ni Paolo ang kaniyang talento nang dinesenyo niya ang national costume ng Binibining Pilipinas 2022 candidate na si Graciella Lehmann mula sa Oriental Mindoro. Para sa napakalaking pageant na ito, idinesenyo ni Paolo ang isang tikbalang-inspired na national costume.

Ang tikbalang ay isa sa mga nilalang sa mga alamat ng Pilipinas at mayroon itong katawan ng tao at kabayo. Kaiba naman sa itsurang ito, talagang napakaganda at elegante ang idinesenyong kasuotan ni Paolo.

Sa isang Instagram post ng host, ibinahagi niya ang sketch ng kasuotan na ito gayundin ang mga detalye nito. Ang headpiece ng national costume ay mistulang isang kabayo na gawa sa mga sanga ng puno ng Balete.

Puting tela naman ang ginamit para sa buhok at buntot ng kabayo. Mapapansin na form-fitting naman ang mismong damit ng kandidata. Ayon kay Paolo, gawa ito sa lace. Mapapansin din ang kumikinang na perlas at rhinestones sa kasuotang ito.

Dahil sa napakagandang obra ni Paolo, mapapansin na talagang bagay na bagay ito sa kandidata ng pageant kaya naman bagamat masasabi na may kabigatan ang costume, todo awra pa rin ang kandidata. Bukod nga sa kaniya, umani rin ng papuri ang disenyong ito ni Paolo mula sa mga netizens. Libo-libo na ang likes ng Instagram post na ito.

Marami din ang nagkomento upang ipahayag ang kanilang paghanga sa disenyong ito. Isa na rito ang beauty queen na si Samantha Bernardo. Ayon sa kaniya, isa si Paolo sa mga itinuturing na trend setter pagdating sa national costumes ng Binibining Pilipinas. Dagdag pa ng ilang netizens, para sa kanila ay ito ang isa sa pinakamagagandang kasuotan ng pageant ngayong taon kaya naman umaasa sila na makakakuha ito ng parangal.

Talaga namang kahanga-hanga ang malikhaing paggamit ni Paolo ng mga alamat ng ating bansa bilang inspirasyon sa paggawa ng kasuotang ito. Walang duda na maaari nga na makilala pa ang kaniyang talento at mga obra.

error: Content is protected !!