Connect with us

Entertainment

Sila ang mga Love Teams na Nagpakilig sa Atin Noong Dekada 90’s na ngayon ay may Kanya Kanya ng Buhay

Bago pa man tayo kiligin sa tambalan ng makabagong henerasyon ngayon, ay nauna nang naghatid sa atin ng kilig ang mga love teams ng dekada 90.

Sila lang naman ang nagpangiti sa atin at nagpakilig na talaga namang pinahanga tayo ng lubusan. Kung isa kang batang 90’s ay tiyak na naranasan mo ring kiligin sa kanila.

Sa kapanahunan ng mga love teams na ito, ay hindi uso ang social media at para nga sumikat ay kinakailangang dumaan sa traditional na paraan ng mass media. Kaya naman, talagang hindi makakalimutan ang mga love team na ito, dahil nga sa kanilang talento at kakayahan pagdating sa pag-arte, na talagang dalang-dala ang mga manonood. Samahan pa nga ito ng maganda nilang chemistry, tiyak na ang mga manonood ay kikiligin.

Ngunit, makalipas nga ang mahabang panahon, ay nasaan na kaya ngayon ang mga love teams ng dekada 90 na nagpakilig sa madla?

1. John Lloyd Cruz at Kaye Abad

Photo credits: google.com

Bago pa man dumating sina Popoy at Basha, ay nauna nang naghatid kilig sina Rovic bilang si John Lloyd Cruz at Eds bilang si Kaye Abad sa teen drama na series na Tabing Ilog na mapapanood sa ABS-CBN noon. Sa kanilang kabataan at murang pag-ibig, ang pagtitinginan on screen ay tuluyang nauwi sa isang tunay na pag-iibigan sa totoong buhay. Hindi man nagtagal ang kanilang relasyon, ay nag-iwan naman ito sa kanila ng isang masayang alaala.

Pag-amin nga ni Kaye sa isang panayam, ay si John Lloyd ang kanyang first boyfriend at first love.

Sa ngayon ay masaya na ang buhay ni Kaye sa piling ng kanyang asawang si Paul Jake Castillo at kanilang anak. Samantalang si John Lloyd ay nananatiling single, matapos ang relasyon nito sa aktres na si Ellen Adarna kung saan nagbunga ng isang supling ang kanilang pagmamahalan.

2. Marvin Agustin at Jolina Magdangal

Photo credits: google.com

Marami rin ang pinakilig ng tambalang Marvin Agustin at Jolina Magdangal na mga batang 90s na talagang namang “ideal” Pinoy love team. Sa kanilang nakakatuwa at boyish charm na sinamahan pa ng kanilang bubbly personality, ay talagang marami ang pinakilig ng kanilang tambalan. Dahil nga dito, ay bumuhos ang napakaraming proyekto sa kanilang karera mula sa mga teleserye hanggang pelikula. Una nga sa kanilang ginampanan na talagang tumatak sa puso’t isipan ng mga manonood ay sa youth oriented series na Gimik kung saan gumanap sila bilang sina SC at Joey.

Isa naman ng matagumpay na restaurateur ang aktor na si Marvin Agustin, samantalang si Jolina, ay TV host at kasalukuyang mapapanood sa morning talk show Magandang Buhay. Napangasawa naman ni Jolina ang Rivermaya drummer na si Mark Escueta at ngayon nga ay may dalawa na silang anak.

3. Bobby Andrews at Angelu de Leon

Photo credits: google.com

Umarangkada naman ang GMA-7 noong 1995 nang ilaunched ang youth-oriented series T.G.I.S. (Thank God It’s Sabado). At ito nga ay dahil sa tambalang Wacks na ginampanan ni Bobby Andrewals at Peachy na ginampanan naman ni Angelu de Leon.

Naging matagumpay ang kanilang tambalan on screen na kung saan ay napakarami nilang pinagsaluhang proyekto, ngunit bigla itong nagwakas nang mabuntis si Angelu ng kanyang boyfriend noon na si Joko Diaz. At matapos manganak ay muling nagbalik tambalan ang dalawa sa ilang mga shows para sa kanilang love team. Samantala, inamin naman ni Bobby na bago pa man sila maging love team, ay may crush na umano ito kay Angelu ngunit mas piniling huwag ituloy ang nararamdaman.

4. Rico Yan at Claudine Barretto

Photo credits: google.com

Ang tambalang Rico Yan at Claudine Barretto on screen ay nauwi sa pag-iibigan sa tunay na buhay na labis na ikinatuwa ng kanilang mga fans. Ngunit, ang magandang samahan na nagsimulang magkakilala noong 1996 sa taping ng Radio Romance at mas lalong nakilala sa primetime TV drama na Mula Sa Puso (1997) at rom-com blockbuster Got 2 Believe (2002) ay nagwakas dahil sa biglaang pagpanaw ni Rico Yan.

Matapos nito, ay nagpatuloy naman sa buhay si Claudine kung saan ay napangasawa niya ang action star na si Raymart Santiago noong 2006. Ngunit, ang kanilang relasyon ay nauwi rin sa hiwalayan noong 2013.

5. Wowie De Guzman at Judy Ann Santos

Photo credits: google.com

Dekada 80 pa lang ay kilala nang mahusay na childstar ang aktres na si Judy Ann Santos. Ngunit, sa pagdating ng dancer na si Wowie de Guzman bilang kanyang ka-love team sa showbiz, ay mas lalong umarangkada ang karera ni Juday. Ang kanilang tambalan nga ay ilang ulit na nasaksihan at nagpakilig sa box-office movies, gaya ng Sana Naman (1996); Kung Alam Mo Lang (1996); Mara Clara: The Movie (1996); Wow Multo (1997); Paano Ang Puso Ko? (1997); Muling Ibalik Ang Tamis Ng Pag-ibig (1998); Kasal-Kasalan (Sakalan) (1998); Esperanza: The Movie, and Dito Sa Puso Ko (1999).

Dahil nga madalas silang magkasama ay na-develop sila sa isa’t isa. Sa katunayan nga nito, ay first boyfriend ni Juday si Wowie. Natapos naman ang kanilang tambalan ng maging kapareha ni Juday si Piolo Pascual.

Samantala, nakilala naman ni Juday ang asawang si Ryan Agoncillo sa Kapamilya fantaserye na Krystala noong 2004. At ngayon nga, ay may dalawa na silang anak. Si Wowie naman, ay maagang nabalo matapos pumanaw ang kanyang asawang si Sheryl Ann Reyes noong April 26, 2014, isang buwan matapos isilang ang kanilang anak.

6. Dingdong Dantes at Antoinette Taus

Photo credits: google.com
Marami rin ang pinakilig ng magandang chemistry ng tambalang Dingdong Dantes at Antoinette Taus na nagsimula sa TGIS. Ang kanilang tambalan ang naghatid ng kilig sa kanilang pinagsamahang mga proyekto na Anna Karenina (1996); I’m Sorry, My Love (1998); Honey, My Love, So Sweet (1999), and Kiss Mo ‘Ko (1999).

Natuldukan naman ang kanilang love team nang magtungo sa US si Antoinette noong taong 2000. Nanatili naman ang kanilang relasyon bilang magkasintahan hanggang taong 2005.

Ngayon nga,ay masaya ng namumuhay si Dingdong sa piling ng kanyang asawang si Marian Rivera at dalawa nilang anak.

7. Chubi del Rosario at Anne Curtis

Photo credits: google.com

Unang naghatid ng kilig ang tambalan nina Chubi del Rosario at Anne Curtis sa unang batch ng TGIS. At dahil sa kanilang pagiging malapit sa isa’t isa ay nagkaroon sila ng relasyon. Sa katunayan nga nito, ay first boyfriend ni Anne si Chubi sa edad na 14 taong gulang.

Hindi naman nagtagal ay nagpasya si Chubi na iwan ang showbiz upang mamuhay ng simple at tahimik bilang isang performer sa mga party at isa ring events host. Samantalang si Anne, ay patuloy ang matagumpay na karera sa showbiz. Ngayon, ay may pamilya na rin si Anne at masaya ang buhay kasama ang asawang si Erwan Heussaff at anak nilang si Baby Dahlia.

error: Content is protected !!