Connect with us

Inspiring

Service Crew ng Isang Fastfood Chain, Hinangaan Matapos Pag-aralin ang Kanyang Girlfriend na Ngayon ay Isa ng Lisensyadong Guro

Isang Dalaga, Proud na Ibinahagi na Pinag-aral siya ng Kanyang Boyfriend at Nakapagtapos Bilang Cum Laude, Ngayon isa ng Lisensyadong Guro

Kadalasan nating naririnig sa mga kwento ng inspirasyon patungkol sa pagtatapos ng pag-aaral at pagkakaroon ng edukasyon ng isang tao, ay ang anak na napagtapos ng kanyang mga magulang kolehiyo sa kabila ng hirap ng buhay ng mga ito.

Ngunit ngayon, ay mas magbibigay inspirasyon ang kwento ng isang dalaga, na nakapagtapos ng kolehiyo bilang isang Cum Laude, kung saan ay ikinuwento niya na malaking kontribusyon ng kanyang naging pagtatapos, ay dahil sa pagpupursige at suporta ng kanyang nobyo.

Nito nga lamang nakaraan, ay nag-trending online ang kwento ng magkasintahang Ray Mark De Martin at Blessy Parreňo. Ito ay matapos ibahagi ni Blessy sa kanyang Facebook, kung paano siya napagtapos ng nobyo sa kanyang pag-aaral sa kolehiyo.

Photo credits: Blessy | Facebook

Sa Facebook page ng dalaga, ay ikinuwento nito, na ang nobyo niyang si Raymak ang tumustos sa kanyang buong taon sa kolehiyo, kung saan talagang ginawa nito ang lahat, at pinasok ang iba’t ibang klaseng trabaho upang masustentuhan lamang ang kanyang pag-aaral.

Ayon sa naging kwento ni Blessy, pinasok ni Ray Mark ang pagka-kargador ng palay, construction worker, cook at ngayon ay OIC ng Mang Inasal, upang masuportahan lamang siya sa kolehiyo.

Photo credits: Blessy | Facebook

Samantala, ibinahagi naman ni Blessy, na hindi siya nakaiwas sa mga panghuhusga ng ilang mga tao na nakapaligid sa kanila, ng malaman ng mga ito na ang kanyang nobyo ang nagpapa-aral sa kanya. Maraming beses niya umano kinapalan ang kanyang mukha, sa mga taong walang ginawa kundi punain ang tulong at suporta na ibinibigay sa kanya ng nobyo.

“Nagtiis kami pareho, nagsikap at pinagtyagaan ang lahat ng bagay na meron kami.”

“Mahirap??? Oo, sobra, maraming chismiz, negative thoughts at panghuhusga! Kesyo iiwan ka rin niyan pagka-graduate niya, bakit ka maghihirap biyan eh di mo yan kaano ano.”

“Ilang beses ko kinapalan ang aking mukha. Nilakasan ang aking loob. At sa awa ng Diyos, nalampasan namin ang lahat”, ang naging pagbabahagi nga ni Blessy sa kanyang Facebook.

Photo credits: Blessy | Facebook

Para naman maibalik ni Blessy sa kanyang nobyo, ang lahat ng naging sakripisyo at tulong nito sa kanyang pag-aaral, ay pinagbutihan niya ang pag-aaral at hinusayan. Kaya naman sa kanyang pagtatapos ay nakuha ng dalaga ang karangalan bilang Cum Laude, ng kursong Bachelor of Secondary Education Major in Filipino sa Capaz State University.

Makikita rin sa Facebook ni Blessy, ang kanyang taos pusong mensahe ng pasasalamat at pagmamahal sa nobyo, na naging kaagapay niya sa pagtupad ng kanyang pangarap.

“Isang taos pusong pasasalamat sayo, RM De Martin kung wala ka, wala rin akong mararating. Nandito ako, umasa kang, hindi ka iiwan at susuklian ang lahat ng iyong paghihirap”, saad ni Blessy para sa nobyong si Ray Mark.

Photo credits: Blessy | Facebook

Kung ang naging pagtatapos ni Blessy sa kolehiyo ay isa ng malaking biyaya para sa magkasintahan, ay mas dumoble pa ito, ng maipasa ng dalaga ang Licensure Examination for Teachers, taong 2019.

Isang mensahe naman para sa lahat ang ibinahagi ni Blessy, bago tapusin ang kanyang post.

“Sa lahat ng mga nakakabasa, lahat ng batang pinapaaral, sanay huwag sayangin ang paghihirap ng inyong mahal sa buhay, laging tandaan na ang lahat ay may mabuting dulot, kapag sinamahan ng pagsisikap, pagtiis, pagtitiyaga at higit sa lahat ay pananalig sa Poong may Likha.”

Sa kabila nga ng mga negatibong naririnig ni Blessy noon sa mga tao, ay pinatunayan ng dalaga, na ang sakripisyo at suporta na ginawa ng kanyang nobyo para sa kanya, ay hindi nya sasayangin, bagkus ay susuklian niya ng umaapaw na pasasalamat at pagmamahal.

error: Content is protected !!