Connect with us

Entertainment

“Pinatibay na ako ng mga past experience ko”: Wowie De Guzman, Naging Mas Matatag sa Buhay Dahil sa Matinding Pagsubok at Depresyon na Naranasan

Parte na ng buhay ng tao ang makaranas ng pagsubok, at ang ilan nga ay nauuwi pa sa depresyon kapag hindi kayang dalhin ang problema. Hindi natin maitatanggi na marami sa atin ang nakakaranas nito, lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Credits: Wowskie | Instagram

Kabilang na nga rtio ang dating matinee idol, sikat na dancer at aktor na si Wowie De Guzman. Matindi ring mga pagsubok sa buhay at depresyon ang naranasan ni Wowie. At ngayong panahon ng pandemya, ay inamin niya nakakaranas siya ng hirap lalo na sa paghahanap ng mapagkakakitaan. Ngunit, balewala raw ang nararanasan ngayon ni Wowie kumpara sa hirap na naranasan niya noon dahilan nga kung bakit mas matatag na siya ngayon.

Si Wowie ay nakilala rin ng publiko bilang isang mahusay na dancer. At ang taglay na talento at hilig sa pagsayaw ay malaki ang naitutulong para masuportahan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

Bagama’t, wala na kay Wowie ang ningning ng kasikatan sa showbiz, ay masaya naman siya dahil nagagamit parin niya ang kanyang talento bilang isang licensed Zumba instructor, hindi lamang sa Pilipinas kundi pang international rin ang kanyang talento.

Credits: Wowskie | Instagram

Kwento ni Wowie nang makapanayam ng Kapuso inspirational show na “Stories of Hope,” taong 2017 nang madiskubre niya ang pagiging Zumba instructor sa kanyang sarili, matapos siyang imbitahan ng kanyang kaibigan na Zumba instructor na mag-guest sa isang Zumba event.

Matapos makita na maraming tao ang nais matuto ng Zumba, at talagang nasusundan ang bawat steps ni Wowie, ay dito na siya nagkaroon ng ideya na pasukin ang pagiging Zumba instructor.

“Noong time na sumampa na ulit ako ng event at nakita ko maraming tao, natuwa ako because ‘pag nagtuturo ako, nasusundan nila.”

“Doon na ako nagkaroon ng idea na parang mas gusto ko ito kasi unang una, dancer ako, and at the same time, matutulungan kang pumayat, so nag-full time ako.”

“Mas nag-e-enjoy ako roon sa pagsasayaw kasi ang tagal ko nang hindi nagsasayaw eh, puro acting. Tapos naranasan ko ulit mag-perform in front of so many people. Bilang isang performer, noong naramdaman ko ulit siya, na-enjoy ko siya.”

Dahil nga, talagang naeenjoy ni Wowie ang pagsasayaw kasabay ng pagtulong sa mga taong nais maging fit and healthy, ay hindi na binitiwan ni Wowie ang pagkakataong maging licensed Zumba instructor. At noong 2018 nga, ay matagumpay na nakakuha ng lisensya si Wowie kung saan ay nakilala at namayagpag na ang kanyang pangalan bilang ZI.

Credits: Wowskie | Instagram

Ngunit, sa hindi inaasahang pagdating ng pandemya sa bansa at pagsisimula ng lockdown, ay nahinto ang mga Zumba event at natigil rin ang kanyang pagtuturo.

“Tandang-tanda ko kasi nasa stage ako noon, may event kami I think sa bandang Nueva Ecija, sumasayaw. Tapos after naming sumayaw ng 10 minutes, may dumadating na na barangay at pinatitigil na ‘yung event.”

Credits: Wowskie | Instagram

Hindi naman tumigil si Wowie sa pag-iisip ng paraan para makapagturo ng Zumba kahit nasa gitna ng lockdown. At nagkaroon nga siya ng ideya na bumuo ng grupo ng dancers para sa online dance classes. Naisip nga ni Wowie na idaan sa online ang pagtuturo ng sayaw sa pamamagitan ng Zoom classes para maaari ring mag-enrol ang sinumang interesado kahit na nasa ibang bansa.

Samantala, inamin naman ni Wowie nang mapag-usapan ang mental health ngayong pandemya, na dumaan rin siya sa matinding depresyon. At ayon nga kay Wowie, ay lumakas ang loob niya na malalampasan ang pandemya dahil sa mas matinding pagsubok na naranasan niya noon na nagpatibay sa kanya.

”Hindi ko masasabing dumaan sa depression na sobrang na-depressed. Kung depression lang, may mas matitinding depression din akong pinagdaanan dati.”

“So, siguro isang paraan din ‘yun para lumakas ‘yung loob ko na kakayanin natin itong pandemic. Siguro masasabi ko na pinatibay na ako ng mga past na experience ko.”

Credits: Wowskie | Instagram

Hindi naman na lingid sa kaalaman ng marami na maagang nabiyudo si Wowie matapos pumanaw ang kanyang asawa na si Sherryl Ann Reyes, ilang buwan pa lamang mula nang isilang ang kanilang anak. At magmula nang mabiyudo, ay mag-isa nang binuhay at itinaguyod ni Wowie ang kanyang anak na si Raff. Hindi na rin nagawa pang mag-asawang muli ni Wowie, at itinuon na lamang ang kanyang buong atensyon sa kanyang anak.

“Sobrang haba ng quality time ko with Raff (nitong pandemic), grabe, as in thankful ako. Kahit paano, safe kaming dalawa, iyong family namin,” aniya sa isang hiwalay na interview.”

“With Raff, para kasi kaming magbarkada, e. Kahit na six years old na siya, lagi kaming parang magbarkada.”

“Gusto ko kasi open kami sa isa’t-isa, para pagtanda niya, hindi siya magtatago sa akin. At the same time, may respect ako sa anak ko, pinapakita ko sa kanya para ma-instill talaga sa isip at puso niya.”

error: Content is protected !!