Php175,000, Isinauli Ng Isang Matapat Na Taxi Driver Sa Mag-asawang German

“Honesty is the best policy”, ito ang palagi nating naririnig na kasabihan na nangangahulugan na ang katapatan ay ang pinakamahusay na patakaran.

Photo Credit: Bombo Radyo Bacolod Facebook Page




Ang kasabihang ito ay nagpapahiwatig sa ating mga Pilipino na ang pagiging matapat ang siyang pinakamabisang gawin natin sa ating buhay. Dahil ang isang taong matapat ay hindi magiging mabagabag kundi magkakaroon ng tahimik at magandang buhay. Kapag ang isang tao rin ay matapat, maganda rin ang magiging tingin sa kanya ng ibang tao.

Isang taxi drayber ang nagpatunay ng kasabihang ito na hinangaan ng marami. Kung saan may mag-asawang German ang muntik nang mawalan ng pera ngunit dahil sa kabutihang loob at katapatan ng drayber na ito ay naisauli ang pera.

Photo Credit: Bombo Radyo Bacolod Facebook Page

Ayon sa drayber na si Jhowny Camolista, isang 48 taong gulang na mula sa E. Lopez, Silay City, may mag-asawang German umano ang sumakay sa kanyang taxi mula Wilcon Depot patungong CityScape Residences sa Bacolod. Ayon sa kanya, nang marating na nila ang kanilang destinasyon at nakababa na umano ang mga pasaherong sakay nang mapansin niya ang isang bag at nang kanya itong sipatin ay naglalaman pala ito ng malaking halaga ng pera at maging ng mga importanteng dokumento.




Dahil sa naisip agad ng matapat na drayber na isauli sa may-ari ang naturang bag na may lamang pera, agad siyang nagtungo sa Bombo Radyo Bacolod upang ipagbigay-alam sa mag-asawang German at agad namang nakarating sa mga ito ang balita. Labis naman ang pasasalamat ng mag-asawa sa matapat na drayber na naibalik sa kanila ang pera.

Photo Credit: Bombo Radyo Bacolod Facebook Page

Napag-alaman na ang mag-asawang German pala ay sina Thomas Schick,71, at Jutta Schick, 57. Hindi biro ang halaga ng perang muntik ng mawala, dahil nagkakahalaga ito ng Php 175,000 at $50. Kaya naman upang pasalamatan ang matapat na drayber ay binigyan ito ng gantimpala na Php5000.

Ayon naman sa mag-asawang German, anim na buwan na silang namamalagi sa Sipalay at marami na silang naging kaibigan. Dahil sa maganda at mababait na ugali ng mga Pinoy ay plano na umano nilang manirahan ng permanente sa Pilipinas.




Samantala, ang matapat na drayber na si Jhowny ay hindi nagpatinag at hindi nasilaw sa malaking halaga ng pera kahit pa mayroon siyang limang anak na binubuhay. Ang katapatan niyang ito ay lubos na hinangaan ng mga netizens kung saan nakatanggap siya ng mga papuri mula sa mga ito.

Narito ang ilan sa mga reaksyon at komento ng mga netizens:

“I’m so proud of your honesty. Your good deed will be rewarded by God. Tani amo tanan nga tao honest in everything!”

“ I salute you, manong. Ganito na kahirap ang paghahanapbuhay ngayon pero nagawa mong maisauli ang hindi sa iyo. Wow! Sana lahat maski hindi taxi driver if ganito ka honest na uri ng tao binibless talaga ni Lord. God bless you, manong driver.”

Kahanga-hanga ang ipinakita ni manong drayber na nagpapatunay na may mga natitira pang mabuti at tapat na tao sa mundo. Kung saan hindi lamang kapwa Pilipino ang maaaring magtiwala kundi maging ang ibang lahi. Good job manong. Godbless you!