Connect with us

Inspiring

Nawawalang Pitaka na Naglalaman ng 10,000 Pesos, Isinauli ng Isang Street Vendor

Totoong napakahirap ng buhay sa panahon ngayon. Bawat sentimo ay pinaghihirapang ipunin ng mga tao. Kaya naman talagang nakakapanghinayang kung bigla na lang mawala ang ating pinaka-iingatang pera. Ngunit hinahangaan din naman ang mga taong mabuti ang kalooban at ibinabalik sa may-ari ang kanilang pinaka-iingatang gamit.

Gaya nga ng iilang tao, napakaswerte ni Jose Pacho na naibalik sa kaniya ang nawawala niyang pitaka na naglalaman ng 10,000 pesos at ilang IDs. Malaki ang pasasalamat niya sa nagsauli nito na kinilalang si Jojo Tiamzon. Si Mang Jojo ay isang street vendor na nagtitinda ng iba’t ibang meryenda gaya ng donut, ice cream, at iba pa.

Ayon kay Mang Jojo, nagbebenta siya ng kaniyang mga paninda nang makita niya ang pitaka. Hindi naman siya nagdalawang-isip na pumunta sa pinakamalapit na barangay. Dahil sa laman nitong mga ID ay agad namang naibalik kay Jose ang pitaka. Talagang kahanga-hanga ang katapatan ni Mang Jojo dahil kahit mahirap ang buhay ay hindi siya nagpasilaw sa pera at pinili pa rin niyang gawin kung ano ang tama.

Photo credits: Angelika dela Cruz | Facebook

Bukod sa kabutihang-loob na ito ni Mang Jojo, kahanga-hanga rin ang kaniyang kasipagan. Umulan man o umaraw at kahit may banta ng COVID-19 sa kaniyang kalusugan ay patuloy pa rin siyang nagbebenta sa lansangan. Hindi niya rin alintana ang bigat ng kaniyang mga paninda kahit na siya ay may edad na.

Photo credits: Angelika dela Cruz | Facebook

Dahil dito, hinangaan si Mang Jojo ng mga netizens. Ayon sa isang netizen, saludo siya kay Mang Jojo. Komento naman ng isang netizen, “Mabuhay ka, Mang Jojo. Napakabuti mo sana marami pang maging katulad mo.” Ang ilan din ay nanawagan na tangkilikin ang kaniyang mga produkto upang mabigyan siya ng dagdag na tulong.

Photo credits: Angelika dela Cruz | Facebook

Maaaring kakaunti na lang ang mga taong lubos ang katapatan gaya ni Mang Jojo ngunit ang kaniyang mabuting gawain ay maaaring maging ehemplo at patunay para sa ibang tao na hindi hadlang ang kahirapan ng buhay upang gawin kung ano ang tama. Ang kwento rin ni Mang Jojo ay nagsisilbing paalala na hindi lamang pagbibigay ng materyal na bagay ang sukatan ng pagiging mabuti sa iba. Kung minsan, ang ating simpleng katapatan ay sapat na.

error: Content is protected !!