Ang bansang Pilipinas ay sadyang pinagpala sa mga yamang dagat marahil dahil ito din ay napapaligiran ng tubig. Ngunit bukod sa bansang Pilipinas, mayroon ding bansa na may malawak na karagatan at ito nga ay ang bansang China.
Kamakailan lamang, ay nabalitaan sa China na may isang butanding ang nahuli umano ng mga mangingisda. Tinangka nila itong ibenta sa isang restawran ngunit ang mga sumunod na pangyayari ay talaga namang ikinagalit ng marami.
Ang Butanding o sa ibang salita ay Isdantuko o Whale Shark, ay isang uri ng endangered species o mga hayop na unti unti ng nauubos. Isa sa tinutukoy na dahilan kung bakit nauubos na ang kanilang lahi ay dahil sa patuloy silang hinuhuli at ibinibenta. Kaya naman nagpatupad ng batas ang mga bansang China, Pilipinas, India at Taiwan na bawal na itong hulihin at ibenta.
Ayon sa Shanghaiist, isang butanding ang nahuli ng mga mangingisda at tinangka na ibenta sa isang restawran. Sa Xiapu county sa Fujian nakita ang malaking butanding na tila ay buhay pa ayon sa isang video na ikinalat ng mga netizens online. Makikitang gumagalaw pa ito ng kaunti habang karga karga sa isang puting truck.
Nang makarating sila sa restawran ang nasabing puting truck ay pilit ibinebenta ng mangingisda ang butanding ngunit tumanggi ang manager ng restawran. Tinangihan nila ito hindi dahil ito ay ipinagbabawal at protektado ng gobyerno ng China, kundi dahil sa malakas nitong amoy at puno ng mercury ang butanding.
Hindi naman dito sumuko ang mga mangingisda, dahil sa mga sumunod na araw ay libo libong litrato ang kumalat sa internet na makikitang hinihiwa ang malaking butanding sa gitna mismo ng bayan nila. Maaaring naisip nila na mas malaki ang tantsa na mabenta nila ang butanding kung per kilo nila itong ibebenta.
Hindi rin nagtagal at nakita ng mga opisyal ang nasabing litrato ng mga mangingisda sa social media na nagpapatunay na nagbebenta talaga sila ng butanding.
Agad naman nila itong inaksyonan at pinaimbestigahan kaya naman nahuli ang isa sa mga nasabing mangingisda. Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang iba pang nagbebenta nito.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng butanding at may kaukulang parusa sa mahuhuli nito. Sa kasamaang palad, ay mayroon pa ding mga lugar sa China na patuloy paring humuhuli at nagbebenta ng butanding.
Noong 2016 lang ay napagalaman na may mga butanding na lumalangoy sa isang offshore oil field. Ang mga litrato ay galing mismo sa isang opisyal ng Beihai City sa China. Ilang araw ang lumipas at may panibagong litrato na naman ang kumalat ngunit sa kasamaang palad ito ay litrato ng butanding na naipit sa crane at kinakatay ng buhay. Madami ang nagalit sa nakitang litrato at may mga nagkomento na ibibitin nila umano kung sino man ang nasa likod ng pangyayari.
Noong 2015, ay may pangyayari din kung saan nakitang kinakatay ang isang butanding sa Guangdong China. Kinatay rin ang butanding sa gitna mismo ng bayan kung saan marami ang nakakakita.
Noong 2014, isa na namang mangingisda ang nagngangalang Zheng ang di umanong nakahuli ng butanding nang di sinasadya. Ayon sa kanya ay kusang lumangoy ang limang toneladang butanding papunta sa kanyang lambat. Hinatak niya ito palapit sa lupa at doon niya napagtanto na ito pala ay isang butanding ngunit namatay din daw ito agad nang hatakin niya palapit sa lupa.
Makikita na kahit ang isang malaking bansa na tulad ng China ay nahihirapang protektahan ang mga yamang dagat tulad ng butanding. Mabuti na lamang ay may mga netizens na kusang nagrereport kung may nakikita man silang butanding hinuhuli at pinapatay. Sana ay lalong pag-igihan ng opisyal ng China ang pagbabantay at pangangalaga sa butanding dahil isa na itong endangered species.