Connect with us

Inspiring

“May pera sa basura”: Jayson Francisco, Nangalakal ng Basura sa Gitna ng Pandemya

Sa mahabang panahon nating pananatili sa loob ng ating mga tahanan ay nakapag-iisip tayo ng mga bagay na maaaring pagkakitaan. Dahil nga sa ipinatupad na quarantine ay marami sa atin ang nawalan ng hanapbuhay kung kaya’t nangingibabaw ang ating pagiging madiskarte upang kumita ng pera.




Ang aktor nga na si Jayson Francisco ay pinatunayan na nasa paligid lang natin ang mga bagay na maaari nating pagkakitaan. Ito nga ay ang mga kalakal na maaaring makita sa loob ng ating mga tahanan na kung saan ay pwedeng maging pera sa loob ng ilang sandali.

Photo credits: Melason | Youtube  

Pinatunayan nga ng aktor ang kasabihang “may pera sa basura”, matapos niyang mangalakal at ibenta sa junk shop ang naipong kalakal.

Sa kanyang latest vlog na pinamatagang “May Pera sa Basura”, na mapapanood sa Youtube Channel nila ng asawang si Melai Cantiveros , tampok ang kanyang masayang karanasan habang namumulot ng mga kalakal na maaari niyang mapakinabangan at maibenta sa junk shop.

“Nakaka-excite kasi parang nami-miss ko noong bata ako, di ba? At syempre, saludo rin ako sa mga tao d’yan na nakikita ko na madiskarte sa buhay.”

Photo credits: Melason | Youtube

Makikita na talagang nag-eenjoy si Jayson sa kanyang ginagawa habang naghahanap ng mga bagay na pwedeng maibenta tulad ng bakal, plastic, bote at karton. Hindi rin pinalampas ni Jayson na bawat madaanan niyang kapitbahay ay hinihingian niya ng kalakal. Mabuti na lamang at mababait ang mga kapitbahay ng aktor dahil binigyan naman siya ng kalakal na pandagdag sa kanyang nakolekta.




Matapos ngang mapuno ang sasakyang nilagyan niya ng mga kalakal ay agad nang nagtungo si Jayson sa junk shop dahil malapit na ngang sumapit ang alas-singko, ang oras ng pagsasara nito. Mababakas naman sa mukha ng aktor ang excitement sa kikitain niya mula sa kalakal na kanyang nakolekta sa loob ng 30 minuto. At matapos makilo at makwenta ang mga kalakal, ay masayang-masaya ang aktor dahil kumita siya ng 45 pesos.

Photo credits: Melason | Youtube

“Ngayon, naka P45.00 na ako, makakabili na ako ng isang kilog bigas. O, kita n’yo, mabubuhay na ako ng isang araw.”

Para nga sa aktor ay malaking tulong na ito para sa kanyang pamilya, dahil ang kinita mula sa kalakal ay maaari na niyang ibili ng bigas. Marahil ay mas malaki pa ang kikitain ng aktor kung ginawa niya ito ng mas mahabang oras.

Samantala, nagbigay-pugay naman si Jayson sa mga taong patuloy na nagsusumikap at dumidiskarte sa buhay upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya sa gitna ng krisis na dulot ng pandemya. Maging ang mga mangangalakal ay pinuri rin ng aktor, dahil isa sila sa dahilan upang mapanatiling malinis ang ating kapaligiran dahil sa pangongolekta nila ng mga kalakal.

Photo credits: Melason | Youtube

Isa ring marangal na hanapbuhay ang pangangalakal kung kaya’t hindi ito dapat ikahiya, dahil kung tutuusin ay malaki ang naitutulong nito upang muling mapakinabangan ang mga bagay na itinapon na natin.




Ang vlog na ito ni Jayson ay kinapulutan rin ng aral na kung saan ay pahalagahan at pasalamatan ang mga bagay na mayroon tayo, dahil may mga tao pang higit na nangangailangan kaysa sa atin.

error: Content is protected !!