Si Anna Katrina Dumilon Nadal-Lopez o mas kilala bilang Kitchie Nadal ay isang sikat at mahusay na mang-aawit sa ating bansa. Marami siyang pinasikat na kanta gaya ng “Majika”, “Same Ground” at “Huwag na Huwag mong sasabihin”.

Naging bokalista rin si Kitchie ng bandang Mojofly noong 1998. Sikat na sikat si Kitchie bilang isa mga female OPM singer matapos marelease ang kanyang solo-titled album na “Huwag na Huwag mong Sasabihin”. Ang naturang album ay nakatanggap ng double platinum status kung saan ay mahigit 80,000 ang naibentang kopya nito.

Matapos ang kanyang pagiging bokalista ng bandang Mojofly ay napagdesisyunan niyang humiwalay sa banda at magsulat na lamang ng sariling kanta noong 2000. Ang mga kantang kanyang ginawa at inawit ay talagang tumatak sa mga Pinoy na mapamatanda man o bata ay kabisadong-kabisado ang bawat linya ng mga awitin.

Bata pa lamang si Kitchie ay napansin na agad ng kanyang mga magulang ang taglay na talento sa pag-awit at hilig sa musika. Bagamat, may talento sa pag-awit, ay hindi niya parin pinabayaan ang kanyang pag-aaral kaya naman nakapagtapos siya ng kolehiyo. Nag-aral siya sa dalawang paaralan, ang St. Scholastica’s College at ang De La Salle University at nakapagtapos ng double degree course na major in Education and Psychology.

Samantala, matapos ng kanyang matagumpay na karera sa larangan ng musika ay pinagtuunan naman niya ng pansin ang kanyang buhay pag-ibig. Kaya naman noong 2015 ay nagpakasal siya sa kanyang nobyo na si Carlos Lopez na isang journalist sa Spain.

Ang naging kasal ni Kitchie ay naging usap-usapan dahil sa suot niyang mumurahing bridal dress na nagkakahalaga lamang ng 799 pesos. Marami ang natanggap niyang negatibong komento sa pagiging simple ng kanyang kasal ngunit para sa ilan ay nagsilbing inspirasyon si Kitchie. Na hindi importante kung napakasimple at hindi naging bongga ang kasal dahil ang mas mahalaga ay ang makasama mo ang taong mahal mo habang-buhay.

Matapos ang kanilang pag-iisang dibdib ay napagdesisyunan nilang mag-asawa na lisanin ang bansa at manirahan na lamang sa Espanya upang doon magsimula ng bagong buhay at bumuo ng masayang pamilya. Ang kanilang pagmamahalan ay biniyayan ng isang anak matapos ang dalawang taon.

Noong Marso ng taong 2017, masayang ibinalita ni Kitchie ang kanyang pagbubuntis. Ang naging panganay nilang anak ay isang lalaki. Bagamat wala na siya sa industriya, ay patuloy naman niyang ibinabahagi sa kanyang Instagram account ang mga kaganapan sa buhay niya. Makikita na hindi pa rin siya tumitigil sa pagkanta at minsan ay tumutugtog parin siya sa mga gigs. Kahit na lumayo siya sa bansang Pilipinas ay nananatili parin sa kanyang puso ang pagkahilig sa musika.

Talaga nga namang masaya at kuntento na si Kitchie sa kanyang napiling buhay kasama ang kanyang pamilya. Bagamat pribado ang kanyang buhay sa Espanya ay masaya naman siya sa piling ng kanyang asawa at anak na si Keon. Naglalaan rin siya ng oras para makauwi sa Pilipinas upang bisitahin ang kanyang pamilya at mga kaibigan.