Connect with us

Entertainment

Mag-asawang Neri Naig-Miranda at Chito Miranda Masayang Sinalubong Ang Pagdating ni Baby Cash Sa Kanilang Pamilya

Mas lalong magiging masaya at makulay ang pamilya ngayon ng mag-asawang Neri Naig-Miranda at Chito Miranda sa pagdating ng kanilang pangalawang anak.

Credits: Chito Miranda | Fb

Maituturing ngang isang biyaya ang muling pagkalooban ng isang sanggol sa pamilya. Hindi maitatanggi na ang mga munting anghel na tulad nila ang siyang naghahatid ng saya at ngiti sa loob ng tahanan.

Kaya naman, sa pangalawang pagkakataon ay kakaibang saya ang nadama ng mag-asawang Neri at Chito nang masilayan ang kanilang 2nd baby na nag-uumapaw ang kacutan.

Ang pagmamahalan nina Neri at Chito na nagsimula sa simpleng usapan online, na kung saan ay hindi sinasadyang mahulog sa isa’t isa ay tuluyang nauwi sa pag-iisang dibdib. Hindi nga pinalampas ni Chito ang pagkakataong makasama habambuhay ang isang babaeng tulad ni Neri. Kaya naman, ang kanilang pagmamahalan ay humantong sa pag-iisang dibdib na naganap noong taong 2014.

Credits: Chito Miranda | IG

Matapos lamang ang dalawang taon, ay biniyayaan sila ng isang supling na dahilan ng kanilang masayang pamilya. At ito nga ay ang panganay nilang anak na si Miguel Alfonso na isinilang ni Neri noong Nobyembre 2016, at malapit nang sumapit ang ika-5 taong kaarawan. Sa ngayon ay anim na taon nang kasal sila Neri at Chito, kung saan nga ay nagawa nilang mapanatiling matibay at matatag ang kanilang pagsasama.

Credits: Chito Miranda | Fb

Isa namang magandang balita ang hatid ni Chito sa kanilang mga tagahanga nito lamang ika-8 ng Oktubre. Sa Instagram, ay masayang ibinahagi ni Chito ang kanilang mainit na pagsalubong sa pagdating ng kanilang pangalawang anak na isang napakacute na baby boy na pinangalanang Manuel Alfonso na tinawag rin nilang Cash.

Kalakip ng cute at inosenteng larawan ni Baby Cash kasama ang kanyang Mommy Neri, ay proud na proud si Chito na ipinakilala sa publiko ang kanyang pangalawang anak.

“Meet Manuel Alfonso Miranda aka Cash”,caption ni Chito sa kanyang post.

Sa hiwalay namang Instagram post kung saan ibinahagi naman ng bokalista ng “Parokya ni Edgar” ang solong larawan ni Baby Cash na mahimbing na natutulog, ay ipinahayag naman ni Chito ang kanyang labis na pagmamahal at kasiyahan sa pagdating ng pangalawang anak nila ni Neri.

“Overwhelming parin sa dibdib. Grabe ang excitement, ang kaba at ang nagsusumabog na pagmamahal. Salamat din sa lahat ng nagparamdam ng pagmamahal sa aming pamilya.”

Credits: Chito Miranda | Fb

Matatandaan na sa mismong ng pagdiriwang ng Mother’s day, Mayo 9 nang ianunsiyo ni Neri na muling madadagdagan ang miyembro ng kanilang pamilya. At limang buwan matapos ang anunsiyo ni Neri, sa pangalawang pagkakataon nga ay muli silang biniyayaan ng isang baby boy.

Bumuhos naman ang pagbati sa mag-asawang Neri at Chito sa pagdating ni Baby Cash sa kanilang pamilya mula sa mga netizens at pati na rin sa kanilang malalapit na kaibigan sa showbiz.

error: Content is protected !!