Ang maganda at malalim na samahan ng isang pagkakaibigan ay pinagtitibay ng mga pagsubok sa buhay. Tulad ng isang kasabihan na malalaman mo ang tunay mong mga kaibigan sa panahon ng iyong matinding kagipitan.
Mula sa isang bakasyon noong 2009, si Brantly Harrison at ang kanyang pamilya ay nakapagsagip ng isang squirrel na apat na linggo pa lang naisisilang mula sa pag-atake ng isang kwago. Nasa masamang kalagayan ang kawawang nilalang at nagtamo pa ng mga sugat sa kanyang musmos na katawan.
Dahil sa kaawa-awang sitwasyon nito ay nagdesisyon ang pamilyang Harrison na kupkupin ito at dalhin pauwi sa kanilang lugar sa Greenville, County, South Carolina. Binigyan nila ang sanggol na squirrel ng pangalan na Bella. Inalagaan nila ito kasama pa ng ibang hayop na katulad nito na may kanyang-kanya ding pangalan na sina Larry, Curly at Moe.
Mga pagkaing prutas at mani ang ibinigay nila kay Bella at ito ay inalagaan nilang mabuti hanggang sa ito ay gumaling at may sapat ng lakas para bumalik sa gubat.
Pinakawalan nila si Bella noong panahon ng tag-init ng 2010. Muli nilang nakasama ang pinakawalang squirrel pagkalipas ng ilang taon at ito ay hindi na nila inaasahan mangyayari pa dahil ang buong akala nila ay bumalik na ito sa kanyang tunay na tahanan at hindi na muling babalik.
Hindi pala lumayo ng distansiya si Bella sa bahay ng pamilya Harrison at sa tuwing mapapadaan sa kanila ay humihinto ito na parang malapit na kapitbahay at nangungumusta.
Halos walong taon narin na ginagawa ni Bella ang kanyang routine kung saan araw-araw siyang naghihintay sa labas ng bahay at nakadungaw sa bintana at minsan tumatalon pa sa may dining room at nagpapapansin sa kung sino man ang tao sa loob ng bahay.
Ayon sa panayam kay Brantley sa The Dodo, “Nakaupo si Bella sa mismong harapan ng pinto ng bahay naming at naghihintay lagi na may makapansin sa kanya. Tumalon pa siya sa may bintana ng kusina para makuha ang aming atensiyon.”
Ang madalas na pagbisita sa kanila nito ay naging parte na ng kanilang buhay at gustong-gusto nito na sila ay laging kasama. Isang araw, dumating na buntis si Bella at may sugat ang isang paa.
Naulit muli ang nangyari noong mga panahon na sinagip nila ito sa kwago at kanilang inaruga. Pinatuloy nila ulit ang kawawang squirrel na hindi lang sugatan kundi may dinadala pa sa kanyang sinapupunan. Nanatili sa kanilang pangangalaga si Bella hanggang sa ang sugat nito ay gumaling at maisilang nito ang kanyang mga munting supling.
“Nakakamanghang panoorin kung paano alagaan at palakihin ni Bella ang kanyang mga anak.” Ang masayang pagbahagi ni Brantley.
Nagkaroon ng tatlong magagandang supling si Bella. Ang araw-araw na pakikibaka sa buhay ng squirrel ay ibinahagi ng pamilyang Harrison sa paggawa dito ng sarili nitong Instagram account at para masubaybayan din ito ng kanyang apat na libong followers.
Maganda din ang naging relasyon ni Bella at Cid, ang isa sa mga alagang aso na inampon din ng pamilyang Harrison.
Tunay nga na nakakaantig ang magandang samahan ni Bella at ng pamilya nina Brantley na kahit hindi siya kauri ng mga ito ay minahal at inaruga siya na parang isang tao. Hindi siya kailaman nakalimot na magpasalamat sa kabutihan ng pamilyang kumupkop sa kanya sa oras ng kagipitan at matinding pangangailangan.
Na kahit lumipas na ang maraming taon na nagamot siya ng mga ito ay bumalik pa rin siya bilang paraan na sila ay ay kanyang kinkilalang mga kaibigan. Isang kwento ng wagas na pagmamahal sa isang kaibigan, hindi lang para sa kapwa tao kundi para sa lahat ng nilalang ng Diyos na may buhay.