Connect with us

Stories

Isang Mommy Ibinahagi Kung Paano siya Nakatipid ng Php112,200 Sa Paggamit ng Cloth Diaper sa Kanyang Baby Kumpara sa Disposable Diaper

Hindi biro ang gastos sa pagkakaroon ng inaalagang sanggol sa pamilya. Dahil nga, kinakailangan ng mga baby na gumamit ng diaper. May ilang mga nanay na gumagamit ng disposable diaper ngunit kaakibat nga nito ang gastos sa mahal ng presyo ng bawat piraso ng diaper. Ngunit, may paraan pala para makatipid sa diaper ang mga ilaw ng tahanan para sa kanilang mga anak.

Ito nga ang ibinahagi ng isang mommy na si Marian Candace T. Jinahon. Ang paggamit ng tinatawag na cloth diaper ay napakalaking tulong para sa mga mommy na nagtitipid.

Taong 2018 nang matuklasan ni Marian ang cloth diaper, na noon nga ay buntis rin. Napukaw ang kanyang interes sa cloth diaper na isang uri ng usual lampin na disposable diaper ang tabas at may Velcro-type hook-and-loop fastener.

Dahil dito, ay nagsimula na ngang magresearch si Marian patungkol sa cloth diaper, hanggang sa mapunta siya sa isang Facebook page ng Cloth Diaper Advocates Philippines (CDAPH). At dito na nga nagsimula siyang bumili kung saan ay “preloved items” ang mga ibinibentang mga cloth diaper.

At nang manganak na si Marian, ay sinubukan niya paring gumamit ng disposable diaper sa kanyang Baby Kiel. Ngunit, matapos lamang ang ilang linggo ay bumungad sa kanya ang sandamakmak na basura ng mga gamit na disposable diaper.

Dahil nga problema ang waste disposal sa kanilang lugar sa Marinduque, ay dito na nagpasya si Marian na gumamit ng cloth diaper. Magmula ng gumamit ngayon lamang Marso 2021, ay marami na ang naipong cloth diaper si Marian kung saan ay umabot na ito ng 93 pieces na cloth diaper, pati na 115 flats at 15 boosters.

Napakalaki ng pakinabang nito at pang matagalan rin. Ngayon nga na 2 years old na si Baby Kiel, at may pangalawang anak na si Marian na si Baby Max na ngayon naman ay 5 months old, ay nagagamit parin niya ang cloth diaper ng kanyang panganay na anak.

Pagbabahagi ni Marian, sa loob ng dalawang taon kung saan bumibili sila ng set na nagkakahalaga ng 350, ay gumastos na sila ng P33,000 para sa buong stash ng cloth diaper. Laking tipid naman talaga kumpara sa disposable diaper pag bumili sila kahit na ordinaryong brand ay aabot ng P145,000 sa loob ng tatlong taon.

Dahil nga dito ay nakatipid sila ng halos P112,200, kahit isama pa rito ang kanilang bill sa kuryente, tubig at detergent. Malaking tulong rin ito sa kalikasan dahil nakabawas sila ng basura na aabot sa 14,520 piraso, at tiyak na nakatambak lang sa landfill nila.

Bukod naman sa malaking tipid ito para sa kanilang pamilya, ay nakakabuti rin ito sa kalusugan ng kanilang mga anak. Dahil sa paggamit ng cloth diaper ay nakakaiwas ang kanilang mga anak sa pagkakaroon ng rashes at UTI.

Samantala, ibinahagi rin ni Marian na hindi naging problema sa kanila ang maubusan ng disposable diaper ngayong pandemya, dahil nga sa paggamit nila ng cloth diaper. Nais rin ni Marian na mahikayat ang iba pang mommies na gumamit ng cloth diaper, at makita ang benepisyo nito.

error: Content is protected !!