Connect with us

Uncategorized

Isang Inang Balut Vendor, Niregaluhan ng Anak ng Bagong Bahay, Ngunit Ayaw Tumira dito

Tunay nga na ang pagmamahal ng isang magulang sa kanyang anak ay hindi matatawaran. Kaya naman, ang sipag at sakripisyo ng mga magulang sa pagtataguyod sa kanilang mga anak, ay karapat-dapat lamang na suklian kapag sila’y may maayos nang buhay.

Katulad na lamang nga ng kwento ng inang balut vendor na naitampok kamakailan sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho. Ang kwento ng 62 anyos na si Nanay Amelia ay nagsilbing inspirasyon sa marami lalo na sa mga ilaw ng tahanan na nagsusumikap na itaguyod ang kanilang mga anak.

Si Nanay Amelia ay nagsimulang magtinda ng balut noong 14 taong gulang pa lang siya hanggang sa nakapag-asawa, at makabuo ng sariling pamilya. Ang kanyang asawa ay nakipagsapalaran sa ibang bansa bilang OFW kaya nahinto siya sa pagtitinda ng balut, at pinagtuunan na lamang ng pansin ang pag-aalaga sa kanilang mga anak.

Photo credits: GMA Public Affairs

Sa pag-uwi ng kanyang asawa mula sa ibang bansa, ay bumalik siya sa pagtitinda ng balut. Hanggang sa noong 2016, ay pumanaw ang asawa ni Nanay Amelia dahil sa komplikasyon sa diabetes. Hindi madali ang hanapbuhay na ito ni Nanay Amelia dahil umulan man o umaraw ay nagtitinda pa rin siya ng balut. Kaakibat rin ni Nanay Amelia ang anumang disgrasya sa daan sakay ng kanyang trayk dala-dala ang kanyang mga panindang balut.

Photo credits: GMA Public Affairs

Sa hirap ng buhay, ay hindi sumuko si Nanay Amelia para lamang maitaguyod at magkaroon ng maayos na buhay ang kanyang mga anak. At ang sipag at sakripisyong ito bilang isang ina, ay nasaksihan ng anak ni Nanay Amelia na si Ruby. Kaya naman, bilang sukli sa sakripisyong ginawa ng kanyang ina para sa kanilang pamilya, ang pangarap na magandang bahay ng kanyang ina ay binigyan niyang katuparan matapos ang maraming taon.

Kwento ni Ruby sa KMJS, ay masikip ang kanilang bahay at tumutulo pa ang bubong kung kaya’t ang nais niya ay maialis ang kanyang pamilya sa nasabing bahay at tumira sa maganda at maayos na tahanan. Kaya naman, matapos ang 15 taong pag-iipon ay nakapagpundar siya ng bahay at lupa na mula sa pagtitinda ng karne ng baboy. Ang pangarap na bungalow house ni Nanay Amelia, ngayon nga ay naging 2-storey house na talaga namang napakaganda, malawak at malinis.

Photo credits: GMA Public Affairs

Photo credits: GMA Public Affairs

Ngunit, ngayong may maayos na silang tahanan at maaari nang tumira ng sama-sama sa iisang bubong, ay ikinalungkot naman ni Ruby ang pasya ng kanyang ina dahil ayaw nitong lumipat sa bagong bahay. Ayaw sumama ni Nanay Amelia sa maganda at maayos na bahay na ipinatayo ng kanyang anak. Ayon nga kay Nanay Amelia ay hindi umano niya kayang lisanin ang dating tahanan dahil nananatili rito ang mga naiwang alaala ng kanyang yumaong asawa.

Photo credits: GMA Public Affairs

Kahit pa nga inalok ni Ruby si Nanay Amelia na gawan ng altar ang kanilang ama sa bago nilang tahanan, ay hindi parin pumayag si Nanay Amelia dahil mas gusto niyang manirahan sa lumang bahay kahit mag-isa lang siya. Bagama’t, hindi sumama si Nanay Amelia sa kanyang anak, ay tiniyak naman ni Ruby na bukas ang bago at magandang bahay para sa kanyang ina.

Sa huli ay naging emosyunal naman si Nanay Amelia sa kanyang naging mensahe para sa kanyang mga anak. Ayon nga rito, sana raw pagdating ng panahon na matanda na siya at hindi na kayang maghanapbuhay, ay maalagaan siya ng kanyang mga anak.

error: Content is protected !!