Connect with us

Inspiring

Isang Batang Estudyante sa Benguet Nag-iipon ng Pera Para sa Kanyang Pag-aaral sa Tulong ng Pagtitinda ng Kabute

Kung ang ibang bata tuwing bakasyon ay naglilibang at nag-eenjoy sa paglalaro, ang batang estudyante mula sa Benguet ay walang oras para sa bakasyon dahil gumagawa siya ng paraan para makapag-ipon ng pera na pantustos sa kanyang pag-aaral sa darating na pasukan.

Hinangaan ng marami ang kwento ng batang si Jessie Almoza, dahil ang nagiging bakasyon niya ay ang pagbababad sa tabi ng kalsada ng Sitio Camisong ng Loacan, Itogon, sa Benguet. At ang sadya ni Jessie kung bakit nasa kalsada siya ay para mag-abang ng motorista o sinumang dadaan na maaari niyang pagbentahan ng kanyang tindang kabute. Isang variety ng organic mushroom ang ibinibenta ni Jessie na tinatawag sa Benguet na “boo”.

Sa post ng Facebook page na The LOStories unang nasilayan ang larawan ni Jessie noong Hunyo 18, 2020 na makikitang nasa gilid ng daan ang noon ay sampung taong gulang na bata habang nagtitinda ng kabute. Makikita na may maliit na pwesto si Jessie sa gilid ng kalsada na nilagyan ng trapal para may magsilbi siyang panangga sa init ng araw.

Dahil nga sa kalunos-lunos na sitwasyon ng bata, para lamang kumita ng pera at maipangtustos sa kanyang pag-aaral, ay agad na nag-viral ang larawan ni Jessie at inulan ng papuri at paghanga mula sa publiko.

Matapos mag-viral, ay nakuha rin ni Jessie ang atensyon ng media at naitampok nga ang kanyang kwento sa TV Patrol North Luzon-Baguio noong Hunyo 22, 2020. At sa nasabing panayam ay ibinahagi ni Jessie ang kanyang pagsisikap at kasipagan para makapag-ipon ng pera sa darating na pasukan.

Si Jessie ay nagmula sa mahirap na pamilya kung kaya’t lahat ng paraan na maaaring pagkakitaan ay kanilang sinusubukan. Sa murang edad ay mulat na si Jessie sa kahalagahan ng pera at pag-iipon. Katulong naman ni Jessie ang kanyang ina at kapatid na babae kung saan, ang mga ito ay maagang gumigising para manguha ng kabute sa kabundukan na ititinda ni Jessie.

Ayon nga sa masipag na bata, ay nagtitinda siya ng kabute para makaipon siya ng perang pambili ng mga gamit sa school para sa darating na pasukan.

“Gagamitin ko po para makapang-ipon ng pera, para makabili ng gamit ko sa school.”

Ito rin ang kwento sa panayam ng kapatid ni Jessie na si Geta Wadwadan.

“Kami po iyung naghahanap, ‘tapos sila po iyong nagbebenta. Iyong mga pinagbentahan, iniipon nila para sa pasukan po. Gamit nila sa eskuwela po.”

Dahil apektado rin ng pandemya ay kakaunti lamang ang dumadaang sasakyan sa lugar kung nasaan si Jessie. Ngunit, may ilang customer naman na pamilyar na sa pwesto ni Jessie. Katulad na lamang ng motoristang si Ryan na nakapanayam pa ng TV Patrol nang bumili ng kabute.

“Maganda rin naman po. Na meron silang ginagawa habang wala silang pasok. Dati-rati pag ganitong season, merong ganyan na ibinebenta dito.”

Samantala, samu’t sari naman ang reaksyon ng netizens sa ginagawang ito ni Jessie para lamang matustusan ang kanyang pag-aaral. Bagama’t, maganda nga itong gawin habang bakasyon, ay marami rin ang nag-aalala para sa kalusugan ni Jessie lalo na ngayong panahon na laganap ang sakit.

May nagpanukala naman na sana raw ay maglagay ng karatula si Jessie para agad na mapansin ng mga dumaraan ang kanyang panindang kabute. May isang komento naman na nagpakita ng pagsuporta sa mga kagaya ni Jessie.

“That’s why we buy from these street vendors our vegetables, not from the rich malls. Empathy with action!”

error: Content is protected !!