Marami nga sa atin ang naghahangad na balang-araw ang maliit nating bahay na nagsisilbing proteksyon at tahanan ng ating pamilya ay maisaayos at mapaganda man lang. Ngunit, dahil nga sa kahirapan ng buhay ay hindi natin ito nagagawa, idagdag pa rito ang mga mahal na materyales na gagamitin sa pagsasaayos at pagpapaganda ng bahay.
Isang inspirasyon nga ang hatid ng kwento ni Grace Lucas sa mga nagnanais na makapagpaayos at mapaganda ang kanilang bahay. Pinatunayan nga ni Grace na hindi naman kailangan ng malaking halaga at mamahaling kagamitan upang ang isang maliit na tahanan ay maging kaaya-aya sa paningin. Dahil ang tanging susi sa pagkakaroon ng magandang bahay kahit maliit ito ay ang tamang pagpla-plano at pagiging malikhain.
Si Grace Lucas kasama ang kanyang asawang si Miguel at tatlo nilang anak ay magkakasamang naninirahan sa isang maliit na bahay sa Villamor Airbase. At habang tumatagal nga ay tila sumisikip na ang kanilang tahanan dahil na rin lumalaki na ang kanilang anak. Kaya naman, napagpasyahan ng mag-asawa na palawakin ang espasyo ng kanilang munting tahanan nangsagayon ay lumuwag man lang.
Ngunit, sa hindi inaasahang pangyayari na dulot ng Bagyong Milenyo, ang bahagi ng kanilang bahay ay nasira dahil sa natumbang puno ng Sampalok. Labis nga ang kalungkutan ng mag-asawa at tila nawalan na ng pag-asa na mapaayos at mapaganda pa ang kanilang bahay. At ang problema ngang ito ng mag-asawa ay binigyang solusyon ng isang decorator na si Gwyn Guanzon na hindi nag-atubiling tumulong upang mapaganda ang kanilang tahanan.
Inuna na nga ni Gwyn na isaayos ang kisame at pader ng bahay na magsisilbing proteksyon ng pamilya habang nasa loob ng tahanan. Makikita na ang dating kawayang bintana ay pinalitan ngunit mas pinaganda naman dahil kinulayan ito ng iba’t ibang kulay upang buhay na buhay kapag titingnan. Kagaya rin ng dati, ay malaya pa ring nakakapasok ang sariwang hangin sa loob ng bahay.
Makikita rin ang malaking pagbabago sa living room ng bahay kung saan ito’y may bagong sofa set na talagang bumagay sa magandang kombinasyon ng pintura ng silid gaya ng lilac, white, blue, gray, at pink na talaga nga namang napakasarap sa matang pagmasdan.
At ang dati ring maliit na silid ay naging maaliwalas ng tingnan dahil sa kulay puting pintura ng pader.
Kahanga-hanga rin ang pagbabago sa kanilang kusina, kung noon ay magulo itong tingnan, ngayon nga ay nabigyan na ito ng kaayusan.
Makikita rin na ang dating dining set ay napalitan na ng bagong dining set na mula sa Crossings Home na bumagay sa pintura at disenyo ng kusina.
Ang hagdan naman na malapit sa kanilang silid-tulugan ay nais ring alisin ni Gwyn, subalit ito lamang ang daan patungo sa kwarto kaya naman nananatili na lang ito sa dating pwesto pero pinaganda naman ito ng bago nitong disenyo.
Ang puting pintura naman sa pader ng kusina ay nakatulong upang ito’y maging malinis at maaliwalas tingnan.
Nakakagulat naman ang pagbabago sa kanilang banyo, na ngayon nga ay nagmistulang banyo na ng isang napakagandang bahay dahil ang dating nakasemento lamang ang sahig at wala man lang kahit gripo sa loob ay pinaganda na. Ngayon nga, ay hindi lamang gripo ang matatagpuan sa loob nito kundi isang shower set pa.
Ang sahig naman nito ay malinis ng tingnan dahil nakatiles na ito ng kulay puti.
Ipinamalas nga ni Gwyn ang kanyang malikhaing talento sa pagsasaayos at pagpapaganda ng bahay nina Grace. Bagama’t, maliit lamang ang bahay makikita naman na malinis, at napakaganda na nitong tingnan kung saan ay may maganda ng disenyo at nasa ayos na ang mga kagamitan.