Connect with us

Inspiring

“Hindi nakatapos, pero nakapagpatapos”: Panganay Sa Magkakapatid, Nagsilbing Inspirasyon Matapos Niyang Mapag-aral at Mapagtapos Ang Kanyang Mga Kapatid Kahit Hindi Siya Nakatapos at Walang Sariling Diploma

Isang kwento na puno ng inspirasyon ang hatid ng 26 anyos na si Ghel Martinez, matapos niyang mapag-aral at mapagtapos ang kanyang mga kapatid kahit siya mismo ay hindi nakatapos ng pag-aaral at walang sariling diploma.

Maramimg rason para sumuko sa buhay si Ghel na nagmula sa San Pablo, Laguna ngunit hindi niya ito ginawa. Sa halip nga, ay matinding sakripisyo ang kanyang ginawa para matupad ang pangarap ng kanyang mga nakakabatang kapatid. Si Ghel ay panganay sa anim na magkakapatid at pangarap niya rin ang makapagtapos ng pag-aaral sa kursong Criminology ngunit ito’y kanyang isantabi para sa pangarap ng kanyang mga kapatid. Ang nakakainspire na kwento ni Ghel na ibinahagi niya noong May 8, 2019 ay nagtrending sa Facebook.

Photo credits to the owner

Sa kanyang Facebook post, ay ibinahagi ni Ghel ang larawan kasama ang kanyang dalawang kapatid na kanyang napagtapos. Bungad nga ni Ghel sa caption ng kanyang post,“HINDI NAKATAPOS pero NAKAPAG-PATAPOS”. Proud na proud si Ghel sa larawan nilang tatlo dahil ang kasama niyang si Abigail, 23 anyos, ay napatapos niya ng degree sa Architectural Drafting and Designs sa Laguna State Polytechnic University noong 2018 at si Vergel, 20 anyos ay cum laude namang natapos ang kursong BS Accountancy sa Dalubhasaan ng Lungsod ng San Pablo.

Hindi nakatapos at walang sariling diploma si Ghel, ngunit hindi ito naging hadlang sa kanya para maitaguyod ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid. Ilang ulit siyang nareject sa trabaho, palagi ring natatanong ang kanyang credentials ng kanyang mga katrabaho at higit sa lahat ay naghiwalay sila sa kanyang minamahal matapos ang limang taong relasyon. Ngunit, sa kabila nito ay pinatunayan ni Ghel na kahit anumang pagsubok ay kayang lampasan ng isang matapang at matatag na babae na tulad niya.

Photo credits to the owner

“Namulat kami sa isang pamilya na salat sa kayamanan pero punong puno ng pagmamahalan. Walang permanenteng trabaho ang ama ko, taong bahay naman ang aking ina. Panganay ako sa anim na magkakapatid. Kaya simula elementarya pa lang natuto na akong dumiskarte sa buhay.”

Sa edad na 16 taong gulang ay natuto nang dumiskarte sa buhay si Ghel kung saan pinasok niya ang iba’t ibang klase ng trabaho at mapagkakakitaan para lamang mapag-aral ang kanyang mga kapatid. Kwento nga ni Ghel, ay pumasok siya bilang store helper sa palengke ng Calauan, Laguna. Ngunit, nangarap pa si Ghel at sinubukang pumasok sa fast food chain ngunit siya’y nabigo noong una. Hindi siya sumuko at muling sinubukang pumasok, sa pangalawang pagkakataon nga ay natanggap na siya.

Sinubukan rin ni Ghel ang mag-aral muli ngunit nahirapan siyang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho kung kaya’t sa huli nga ay mas pinili ni Ghel na magparaya para sa pangarap ng kanyang mga kapatid.

Photo credits to the owner

“Sinubukan kong mangarap uli para sa sarili ko, [pero] hindi madali [ang] pagsabayin ang pag-aaral habang pagod ang katawan mo sa trabaho, at mas lalong hindi madali pagkasyahin yung sinusweldo ko na Php 2,400 kada buwan para sa pag-aaral ko at sa pang-suporta sa pamilya ko.”

“Mahigit isang taon lang ang lumipas isinuko ko uli yung pangarap ko, hindi dahil sa nahirapan o naging mahina ako, kundi dahil naging malakas at matapang ako para magparaya para sa mga kapatid ko.”

“At the end of the day, alam kong mag-fail man ako sa buhay ko, hindi man ako maging pulis, mananatili pa rin silang andyan para sa akin. Kaya ginawa kong pangarap ko ang matupad ng mga kapatid ko ang mga pangarap nila.”

Sinubukan naman ni Ghel ang magtrabaho sa call center. Kwento ni Ghel, ay hindi naging madali ang kanyang pagsisimula dahil naranasan niyang mapagtawanan ng kanyang mga katrabaho. Hindi naging sapat sa mga gastusin ang sahod niya na 200 per day bilang call center agent. Kaya naman, sumali pa siya sa pageant at ang pinangbili niya nga ng T-square ng kanyang kapatid na nag-aaral ng architectural ay ang perang kanyang napanalunan.

Photo credits to the owner

Naging matipid rin si Ghel habang nagtatrabaho kung saan nga ay nagtitiyagang maglakad upang maipon ang perang pampamasahe. Maging mga mga bote ng inuming tubig ng kanyang mga katrabaho ay iniipon niya para naman maibenta niya sa junkshop.

Tila naman, umayon na kay Ghel ang tadhana para suklian ang kanyang mga sakripisyo. Dahil sa paglipat niya ng bagong kompanya bilang call center agent ay bumukas naman ang bagong oportunidad kay Ghel kung saan nga ay napromote siya bilang Team Leader hanggang maging Quality Analyst. At dahil sa kanyang kasipagan ay napromote pa siya bilang Product Trainer.

“Halos lahat ng oras ko binuhos ko para lang mapatunayan ko na hindi sila nagkamali sa pagpili sa akin. Pumapasok ako ng 7pm sa trabaho at umaawas [umaalis] naman ako ng 12 ng tanghali [kinabukasan], then byahe pauwi. Halos talong oras lang yata sa isang araw naitutulog ko, dahil lang sa kakaaral ko paano maging maayos na quality analyst.”

Ang kasipagan ni Ghel sa trabaho, ay sinamahan rin niya ng diskarte para kumita pa ng extra. Ang P12,000 na sahod ay hindi parin sapat para sa kanyang pamilya at pag-aaral ng kanyang dalawang kapatid. Dahilan nga, para maging isyu sa kanila ng kanyang partner ang kanyang pagiging mapagbigay sa kanyang pamilya. Mas nanaig nga ang pagmamahal ni Ghel sa kanyang mga kapatid na maging ang sariling kaligayahan ay kanyang isinakripisyo.

“Mas nanaig ang pagmamahal ko sa mga kapatid ko.”

Photo credits to the owner

Sa huli nga lahat ng hirap at sakripisyo ni Ghel para sa kanyang mga kapatid ay nagbunga. Ngayon ay nagtatrabaho na bilang isang architectural designer si Abigail, habang si Vergel naman ay nakapagtapos ng cum laude.

Ngayon nga, ay hindi parin tumitigil sa pagkayod ni Ghel para masuportahan ang kanyang pamilya at mga kapatid. Proud na proud naman si Ghel sa nakamit na tagumpay ng kanyang dalawang kapatid, na kahit wala nga siyang diplomang maipagmamalaki ay nagawa niyang mapagtapos ang dalawa niyang kapatid.

“Wala man akong diploma basta kayo meron, solve na ako don, dahil kayo ang kayamanan namin nila Inay at Tatay. Kayo ang maipagyayabang ko.”

error: Content is protected !!