Connect with us

Entertainment

Herlene “Hipon” Budol, Napahagulhol Na Lamang Matapos Mabili Ang Kanyang Kauna-unahang Sasakyan

Hindi nga matawaran ang saya ng TV host at komedyanteng si Herlene Budol o mas kilala ng lahat bilang si Hipon, matapos matupad ang pangarap niyang makabili ng kanyang kauna-unahang sasakyan.

Photo Credits: Harlene nicole “Hipon” Budol | YT

Si Hipon ay nakilala ng publiko sa programa ni Willie Revillame na Wowowin bilang contestant sa segment nitong “Willie of Fortune”. Dahil sa pagiging kwela at masayahin ni Hipon ay agad siyang naibigan ni Kuya Wil na gawing isa sa mga hosts ng programa. Maliban naman sa pagiging TV host, ay pinasok na rin ni Hipon ang pagiging aktres at komedyante kung saan nga ay gumanap na rin siya sa ilang proyekto.

Sa landas na tinatahak ni Hipon, ay unti-unti naman niyang natutupad ang kanyang mga pangarap. Sa tulong rin ng kanyang manager na si Wilbert Tolentino ay mas lalong umarangkada ang kanyang karera. At kamakailan lamang nga, ay labis ang tuwa at pasasalamat ni Hipon matapos niyang matupad ang pangarap na mabili ang kanyang kauna-unahang sasakyan.

Photo Credits: Harlene nicole “Hipon” Budol | YT

Sa kanyang latest vlog na mapapanood sa kanyang YouTube channel, ay masaya niyang ipinasilip ang pagbili sa kauna-unahang sasakyan. Ang bunga nga ng kanyang kasipagan sa trabaho ngayon nga ay naisakatuparan na ni Hipon.

Sa kanyang vlog ay makikitang nagtungo si Hipon sa branch ng Toyota Commonwealth kasama ang kanyang manager na si Wlibert. Masaya namang ibinahagi ni Hipon na sa loob ng dalawang taon niya sa YouTube bilang isang vlogger ay ngayon lamang siya nakatanggap ng malaking sahod. Bilang manager naman, ay proud na proud si Wilbert sa kanyang alaga dahil isa sa kanilang achievement ay ang maayos ang YouTube channel nito at ngayon nga ay kumikita na rin ng malaki.

Photo Credits: Harlene nicole “Hipon” Budol | YT

Makikita naman na umiral ang pagiging komedyante ni Hipon, at sa bawat madaanang sasakyan sa loob ng nasabing branch, ay sinabi niyang kanyang bibilhin. Ngunit, sa unang araw ng pagpunta ni Hipon sa branch ay hindi pa siya nakapili kung anong sasakyan ang kanyang bibilhin. Kaya naman, nagpasya siyang babalik na lamang siya kinabukasan para piliin ang sasakyang nababagay sa kanya.

Ngunit, hindi naman pumayag si Hipon na hindi niya madala ang malaking susi sa kanyang pag-uwi. Makikita ngang katabi pa ni Hipon sa kanyang pagtulog ang malaking susi ng Toyota. Hindi lamang ito, dahil makikita ring isinabay pa ito ni Hipon sa kanyang pagligo.

Photo Credits: Harlene nicole “Hipon” Budol | YT

Sa pagbabalik naman ni Hipon sa branch, ay naghanap siyang muli ng sasakyan at sa wakas nga ay nakapili na siya ng sasakyang babagay sa kanya. Hindi naman napigil pa ni Hipon ang kanyang emosyon nang matanggap niya ang kanyang bago at kauna-unahang sasakyan. Napahagulhol na lamang siya sa tuwa at labis na pasasalamat dahil hindi siya nakapaniwalang naisakatuparan na niya ang kanyang pangarap na magkaroon ng sariling sasakyan. Sa huli nga ay niyakap niya ang kanyang manager na si Wilbert at humagulhol ng iyak dahil sa labis na pasasalamat.

error: Content is protected !!