Connect with us

Entertainment

Arci Muñoz, Excited na Ibinahagi ang Kaniyang Pilot Journey

Maituturing si Arci Muñoz na isa sa mga pinaka-adventurous na personalidad sa showbiz. Mula sa kaniyang pagiging bokalista sa isang banda, pinasok niya ang pagiging isang aktres at modelo. Ginulat din niya ang marami nang pumasok siya sa Philippine Air Force. Sa kabila nito, patuloy pa rin siyang naging abala sa kaniyang mga proyekto.


Matapos naman ang kaniyang pinakahuling proyekto sa bansa noong 2021, pansamantalang nagpahinga ang aktres at nagbakasyon sa US. Makikita nga sa kaniyang Instagram updates ang iba’t ibang lugar na kaniyang napuntahan at ang napakaraming aktibidad na kaniyang nagawa. Bagamat siya ay nagpahinga, patuloy pa rin ang kaniyang mga proyekto.

Naging cover si Arci ng isang magazine sa Los Angeles at naging isang modelo rin para sa Los Angeles Fashion Week. Dagdag pa rito, nagkaroon din siya ng pagkakataon na makadalo sa iba’t ibang red carpets sa Hollywood gayundin sa isang Oscars viewing party. Nakilala rin niya ang iba’t ibang sikat na personalidad gaya nina Anderson Paak at James Corden.

Isa rin sa pinagkakaabalahan ngayon ni Arci ay ang kaniyang pagpasok sa isang aviation school. Matatandaan na kabilang na si Arci sa Philippine Air Force at ngayon naman ay sinusubukan na niyang abutin ang kaniyang pangarap na maging isang ganap na piloto.

Sa isang Instagram post, ibinahagi ng aktres ang kaniyang unang araw sa aviation school. Inamin rin niya na talagang excited siya para dito at nagpapasalamat siya sa Topflite Academy kung saan siya pumasok bilang estudyante.

Sa video na kaniyang ibinahagi, makikita na noong una ay nagkaroon siya ng ilang mga trainings at ngayon nga ay nagkaroon na siya ng pagkakataon na sumakay sa isang eroplano. Sa hiwalay na Instagram post, makikita na inaaral naman ngayon ni Arci ang isang uri ng eroplano.

Talagang nakakabilib ang kagustuhan ni Arci na tuparin ang kaniyang pangarap. Kahanga-hanga rin ang kaniyang katapangan na sumubok ng mga bagong bagay at gawain. Dahil sa mga ibinahaging ito ni Arci, umani siya ng paghanga mula sa kaniyang mga fans at followers.

Ang iba ay tinawag na ang aktres na “captain” samantalang ang iba naman ay nagbahagi rin ng kanilang karanasan sa aviation school. Nagkaroon din ng inspirasyon ang ilan pang netizens na abutin ang kanilang pangarap gaya ni Arci.

error: Content is protected !!