Ang soon-to-be married couple na sina Angel Locsin at Neil Arce, ay pinasok na rin ang mundo ng vlogging at nagkaroon na rin ng sariling YouTube Channel na kanilang pinangalanan ng “The Angel and Neil Channel”. At ang kanilang kauna-unahang vlog ay naging makabuluhan dahil ito’y naglalaman ng magandang adhikain. Ito nga ay matapos nilang bisitahin ang mga katutubong Dumagat sa Norzagaray, Bulacan upang maghatid ng tulong at saksihan ang kultura nito.
Ika-20 ng Setyembre, nang bumisita sina Angel at Neil sa mga katutubong Dumagat kasama ang grupo ng programang “Iba ‘Yan” upang saksihan ang kultura ng katutubo at maghatid ng tulong. Hindi naging hadlang sa grupo nina Angel ang maulang panahon at maputik na daan upang isakatuparan ang kanilang misyon.
Sa tinawag na “Punduhan”, ang lugar kung saan nagtitipon-tipon ang mga katutubong Dumagat, namalagi sina Angel sa unang araw ng kanilang misyon. Nakilala ng aktres si Brother Martin Francisco na siyang bumuo ng kumonidad para sa mga Dumagat. Nakilala rin ng aktres ang mga estudyanteng Dumagat na nagsusumikap sa pag-aaral anuman ang layo ng lugar at kakulangan ng mga materyales sa kanilang munting eskwelahan. Mahirap man ang buhay ng mga estudyante, ay napakataas naman ang mga pangarap nila sa buhay.
Samantala, ang mga Katutubong Dumagat ay isa rin sa mga nangangalaga sa kalikasan, at ang isa nga ipinagmamalaki ng mga Katutubong Dumagat sa Punduhan ay ang kweba na Bato sa Bitbit o ang tinatawag na Monte Cristo Caves. Kasama si Brother Martin, ay sinilip ni Angel ang naturang kweba. Dito naman niya nakilala si Ka Sendo na isang volunteer forest ranger at tour guide ng Punduhan.
Pagsapit ng hapon, ay nagkaroon ng isang pagtitipon at seremonya upang iparamdam ng mga Katutubong Dumagat ang kanilang mainit na pagtanggap sa grupo nina Angel. Dito na nga, ibinigay ni Angel ang surpresa na nganga na gustong-gusto ng mga katutubo. Namahagi rin ang grupo ng Iba Yan ng 10 sakong bigas, mga canned goods, at cable para sa generator set.
Ibinahagi naman ni Angel, na araw-araw umanong ipinagdarasal ng mga Katutubong Dumagat sa Punduhan na bigyan sila ng masaganang ulan. Ito nga ay dahil walang malinis na tubig sa lugar kahit na malapit lamang ito sa dam. At tanging tubig ulan ang nagsisilbing tubig, at iniinom ng mga katutubo. Kaya naman, hindi alintana ng mga ito ang maputik na nilalakaran, dahil mas mahalaga para sa mga ito ang tubig na hatid ng ulan. Hangad naman ni Angel para sa mga katutubo, na sana raw ay magkaroon na ang mga ito ng maayos na water system para magamit sa araw-araw.
Samantala, sa pangalawang araw naman ng grupo ng Iba Yan, ay nagsagawa naman sila ng medical mission. Ipinakita rin ni Angel sa mga katutubo ang magiging hitsura ng health center sa naturang lugar. Malaking tulong nga ito upang mabigyang pansin ang kalusugan ng mga tagaroon.
Hindi nga matatawarang saya ang nadarama ng mga katutubo sa tulong na ibinigay ni Angel at ng grupo ng Iba Yan. Kaya naman, labis-labis ang pasasalamat ng mga ito sa biyayang ipinagkaloob sa kanilang kumonidad.